Saturday, July 9, 2011

Ang Alamat Ng Upuan

Paano kung hindi lang lahat ng may buhay ay may kuwento? Paano kung ang mga lumalabas sa isang tao katulad ng ihi at pawis ay hindi dahil sa pisiolohikal na rason kundi mas malalim at mahiwagang kadahilanan? At paano kung ang inuupuan mo ay tao pala?

Isang araw nang wala pang mga istraktura sa mundo ay may isang lalake na walang ginawa kundi maglakad nang maglakad sa isang gubat na mahiwaga. Ito’y lingid sa kaalaman niya dahil sa kanyang pag-iisip ay kumakalam na ang kanyang sitmura. Ngunit patuloy pa rin siyang naglalakad sapagkat hindi niya alam kung saan paroroon ang gubat na iyon. Lakad ng lakad hanggang sa madapa siya at kumapit sa puno. Lingid din sa knayang kaalaman na ang mga puno ng gubat na iyon ay may kakaibang kapangyarihan na nagbibigay ng ninanais ngunit matinding kailangan ng tao tuwing mahahawakan ito kung kaya’t binigyan siya nito ng iba-ibang pagkain at hindi na siya nagutom nang muli. Nabuhay na siya ng naglalakad lamang sa gubat na iyon nang isang araw ay may nakita siya magandang babae na mukhang naliligaw. Nilapitan at kinausap niya ito dahil kay tagal na rin niyang hindi nakakakita ng katulad niya. Ang babae raw ay gutom na gutom at sobrang pagod dahil isang araw na siyang naglalakad sa gubat na iyon kung kaya’t nagsalo sila sa pagkain at patuloy silang naglakad. Subalit ang babae ay madaling mapagod kung kaya’t siya’y upo nang upo sa lupa. Ayaw niyang makita nang ganun ang babae sapagkat minahal niya na ito kahit sandali pa lamang silang nagsasama. Lumapit siya sa puno, hinawakan niya ito, at bigla-biglang naramdaman na naninigas siya. Hinanap siya ng babae ngunit ang nakita lang niya ay isang kahoy na upuan. Kinuha niya ito at patuloy na naglakad sa mahiwagang gubat na iyon umaasang makita ang lalake na nagbigay sa kanya ng pagkain.




© Maryfaith G. Rayos